Jumping Jolens

cropped-screen-shot-2017-06-03-at-4-44-50-pm.png

Mabilis na akong mag-type hayskul pa lang. Natutuwa kasi ako sa tunog ng niraratrat na keyboard—parang mabibigat na tagaktak ng ulan sa bubong na yero tuwing buwan ng Hunyo.

Nagba-blog na rin ako hayskul pa lang. Mahilig akong magsulat tungkol sa mga paborito kong banda, sa current events na hindi ko naman lubos na nauunawaan pa, at sa mga pangarap ko sa buhay. Mahilig akong magsulat tungkol sa sarili ko at mahilig din akong magbasa tungkol sa personal na buhay ng ibang tao.

At dahil personal ang atake ko sa pagba-blog, hindi ko ipinapaalam sa mga kaibigan ko na nagba-blog ako. Nakakahiya. Hindi handa ang puso, isip, tadyang at balun-balunan ko na tumanggap ng pang-aasar mula sa mga kaibigan kong dalubhasa’t beterano sa panggagago.

Bago ko sinimulan ang Jumping Jolens, may blog akong mahal na mahal ko. Pakiramdam ko iyon ang peak ng aking youth, ‘yung panahong nagkukuwento ako tungkol sa kagustuhan kong makapag-aral sa UP, sa paghanga ko sa Eraserheads, sa pagkahilig ko sa mga bagay na jologs, at kung ano-ano pa.

Kaya lang nabisto ako ni JL, ang katrabaho ko dati sa student paper sa UP (oo, natupad naman ang pangarap kong mag-UP). Nagsusulat ako noon ng blog post, nakalimutan ko na kung tungkol saan, nang biglang narinig ko ang boses ni JL mula sa likuran.

Naks, may blog siya.

Naloka ako. ‘Tang ina mo talaga JL, pakialamera ka. Dali-dali akong pumunta sa settings at wala pang isang minuto’y binura ko ang buong blog. Lahat ng post, lahat ng litrato, lahat. Isang IT expert lang siguro ang makakasuyod sa mga bakas ng blog kong iyon, kung meron man.

Ang init ng ulo ko kay JL noon. Pero dahil nabura ko naman ang blog bago pa niya maipalaganap ang balita sa buong opisina, ayos lang. Sorry ka JL burado na lahat.

Takang-taka si mokong, bakit ko raw binura. OA ka, hindi ko man lang maalala ‘yung title o url ng website. 

Nagkamali ako ng tantya. Akala ko aasarin niya ako. Akala ko sasabihin niya sa mga kasamahan namin sa dyaryo at pagpipiyestahan nila ang mga pag-iinarte ko. Minsan pala, may mga taong wala namang masamang pakay sa ibang tao. At madalas, hindi pala sa akin umiikot ang mundo.

Sayang ang blog na iyon. Sayang ang mga litratong kuha ko sa Chinatown, ang piyesa ko tungkol sa irrelevance ni Jay Justiniani sa bandang Cueshe, ang mga rebyu ko sa tatlong naunang album ng Imago.

Pero hindi ako tumigil sa pagba-blog. Makati ang mga daliri ko, hindi mapakali, nangingisay sa tuwing may gusto akong sabihin pero hindi ko maisulat sa screen. Kaya nabuo ang Jumping Jolens. At bilang 90’s kid, ipinangalan ko ito mula sa mga paborito kong pop culture icons noon: kay pre-Momshie Jolina Magdangal at sa mga jumping jologs, ang dahilan sa likod ng muling pagsampa sa mainstream ng Pinoy rock.

Kaya kahit na nadiskubre ni Matt ang blog na ito, natuto na ako at hindi paspasang nagbura ng mga akda. Itinago ko na lang ang ibang post na hindi ako handang ipabasa sa kanya at sinabing hindi na ako magdaragdag pa (kinain ko rin ang sinabi ko, obviously).

Alam kong may mga kaibigan at kakilala akong naparito na rin sa blog ko ngunit sa puntong ito, hahayaan ko na lang sila. Nasa magkaibang panig na kami ng mundo, weno naman kung aasarin nila ako.

Limang taon na rin ang Jumping Jolens at apat na taon na akong nakatira sa ibang bansa. Sa kabila ng ingay at kalat at gulo, nami-miss ko talaga ang Pilipinas. Nami-miss ko ang mga kaibigan kong mapandaot, ang mga palabas sa TV na sinusubaybayan ko, ang mga pelikulang Pilipino na hindi ko naman matutunghayan dito.

Marami nang nagbago ngunit marami rin ang hindi. At kung kaibigan kita at kilala mo kung sino talaga ako: ‘wag kang mag-alala bes, jologs pa rin ako.

Advertisements

8 comments

  1. Tawang tawa ako dun sa “‘wag kang mag-alala bes, jologs pa rin ako” Pero ako din itong blog ko walang may alam at baka idelete ko lang din to pag makita kong binabasa ng kapatid, nanay, o jowa ko.

    Liked by 1 person

  2. Nagsusulat ako noon ng blog post, nakalimutan ko na kung tungkol saan, nang biglang narinig ko ang boses ng Boss ko mula sa likuran.

    Natapos mo na ba yung blah, blah, blah?

    Naloka ako. Dali-dali akong pumunta sa settings at wala pang isang minuto’y binura ko ang buong blog. Mahirap na. Mas mabuti nang walang ebidensiya. Mahirap pa naman maghanap ng trabaho ngayon.

    Liked by 1 person

  3. Bakit ba ako hindi naganonymous blog??? Proud na proud pa ako sa buong pangalan ko na nakalagay dito. Tingin mo may chance pa ba akong gawing anon yung blog ko??? Halpp!!!! (love ko din si Jolina Magdangal 😥 )

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s